Paraiso

#LakbayOslob

By: Mary Joy Paragoso

Usap-usapan ng mga turista ang lugar ng Oslob na sinasabi na may mga butanding na makikita dito. Marami na ring mga artista ang pumunta sa lugar na ito. Bukod sa mga butanding, may falls na matatagpuan din sa lugar na ito. Halina’t samahan ninyo akong lakbayin ang lugar ng Oslob. Magiging isang masayang byahe ang mararanasan ninyo ngayon.

Bilang isang kabataan, gustong-gusto ko ang maglibot-libot sa mga lugar na maganda. Gusto kong makaranas kung ano ang sayang maidudulot nito at mga magagandang ala-ala. Ala-singko ng hapon ay bumyahe na kami papuntang Oslob kasama ang pamilya ng aking matalik na kaibigan. Dahil sa masaya ang naging byahe ay hindi namin namalayan na malalim na ang gabi ng kami ay nakarating doon. Nagpahinga na kami dahil maaga pa kaminng gigising para puntahan ang butanding at ang waterfalls.

Una naming pinuntahan ay ang beach na kung saan makakakita ka ng maraming butanding. Ang kailangan lang ay magbayad, magsuot ng lifejacket at sumakay na sa bangka. Makikita niyo na lumalapit ang butanding sa bangka dahil nagsasaboy ng pagkain ang bangkero. Napakasayang makita ang mga butanding, pag ang baba nila ay bumunganga na ay para kang kakainin. Hindi mo pwedeng lapitan at hawakan ang mga butanding. Medyo nakakatakot lang kasi dahil nasa gitna ka ng dagat. Napakaganda dito dahil malinaw na malinaw ang tubig at makikita mo ang mga maliliit na isda. Pagkatapos namin doon ay pumunta kami sa tumalog falls, sobrang ganda at lamig ng tubig doon. Wala kang ibang maririnig kundi ang mga huni ng ibon at ang mga tawanan ng mga tao na nagsisiyahan doon. Para kang nasa isang paraiso sa sobrang ganda nito. Malinis din ang tubig kaya ang lahat ay naliligo.

Hindi sapat ang isang araw na paglalakbay doon dahil may iba’t-iba pang mga magagandang lugar dito pero kailangan naming umuwi ng maaga dahil may pasukan na kinabukasan. Ang saya, magagandang tanawin at alaala ang baon namin sa pag-uwi. Hinding-hindi ako magdadalawang isip na bumalik ulit sa paraiso na ito.